Bumaba ang performance rating ng administrasyong Aquino subalit nananatili ito sa “good” base sa resulta ng first quarter survey ng Social Weather Station (SWS).

Base sa nationwide survey na isinagawa nitong Marso 30 hanggang Abril 2 mula sa 1,200 adult respondent, napag-alaman ng SWS na 60 porsiyento ang nagsabing sila ay “satisfied” sa nagampanan ng kasalukuyang administrasyon, habang 26 na porsiyento ang nagsabing sila’y “dissatisfied.”

Dahil dito, pumalo sa “good” +35 (percentage of satisfied minus percentage of dissatisfied) ang net satisfaction rating ng administrasyong Aquino.

Ito ay mas mababa ng apat na puntos mula sa +39 (61 percent satisfied at 23 percent dissatisfied) mula sa resulta sa last quarter ng 2015, pero pasok pa rin sa “good” rating classification.

National

Ilang bahagi ng bansa, uulanin dahil sa shear line, easterlies

Sinabi ng SWS na malaki ang ibinaba ng satisfaction rating ng administrasyon sa Metro Manila sa +17 noong Marso mula sa +36 noong Disyembre.

Bumaba rin ang satisfaction rating ng administrasyon sa natitirang bahagi ng Luzon sa +30 mula sa +35, at Mindanao sa +33 mula sa +36.

Samantala, bahagya naman itong tumaas sa Visayas region sa +58 mula sa +52.

Sa aspeto ng socio-economic class, bumaba rin ang rating ng Aquino government subalit nananatili ito sa “good” sa upper-to-middle class ABC na ngayo’y nasa +17 mula sa +23 noong Disyembre, at class D, na mas kilala bilang “masa”, sa +39 mula sa dating +46.

Sa kabila nito, bahagya namang tumaas ang rating ng kasalukuyang gobyerno sa hanay ng poorest class E sa +46 mula sa dating +44. (ELLALYN B. DE VERA)