Naghain kahapon si dating Negros Oriental Rep. Jacinto Paras ng plunder case laban kay dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr., sa apat na iba pang dati at kasalukuyang Comelec commissioner, at sa Smartmatic-TIM Corporation dahil sa paglabag umano sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Kabilang din sa mga kinasuhan sa Office of the Ombudsman sina dating Commissioners Lucenito N. Tagle at Elias R. Yusop; sina incumbent Commissioners Christian Robert S. Lim at Al A. Parreno; at ang mga opisyal ng Smartmatic-TIM na sina Cesar Flores, Elle Moreno, at Marlon Garcia dahil na umano’y pagkukutsabahan upang linlangin ang mamamayan ng milyun-milyong pisong halaga.
Sa pulong balitaan sa Quezon City, hiniling din ni Paras sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang mga respondent at magsagawa ng lifestyle check sa mga ito.
Sa taya ni Paras, umabot sa P240 milyon ang nakomisyon ng mga akusado upang paboran ang Direct Contracting Agreement ng Smartmatic-TIM.
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Paras na inaprubahan nina Brillantes, Tagle, Yusop, Lim at Parreno ang Resolution No. 9922 noong Disyembre 23, 2014, na nagbigay ng kapangyarihan sa Comelec para pumasok sa Direct Contracting Agreement sa Smartmatic-TIM upang magsagawa ng diagnostic, maintenance, repair at replacement ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine.
Ito ang nagbigay-daan sa Extended Warranty Contract para sa Smartmatic-TIM noong Enero 30, 2015 na hindi idinaan sa public bidding. (Chito A. Chavez)