CAMP OLIVAS, Pampanga - Patay ang pitong pinaghihinalaang miyembro ng Jimboy Santos carnapping group matapos makipagbarilan sa pulisya sa hangganan ng mga barangay ng Pandacaqui at San Jose sa Magalang, Pampanga, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Chief Supt. Aaron Aquino, Central Luzon Police Regional Office director, na nakaengkuwentro ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pitong suspek dakong 11:00 ng umaga matapos makatanggap ang awtoridad ng impormasyon na bibiktimahin ng grupo ang CTEC Industries sa Bgy. Pandacaqui, Mexico, Pampanga.

Dahil dito, agad na bumuo ang pulisya ng dragnet operation hanggang maispatan ang mga suspek na sakay sa isang Mitsubishi Adventure at isang Mitsubishi Montero.

At nang atasang tumigil ng pulisya, humarurot pa ang mga suspek at pinaputukan ang mga tauhan ng CIDG, ayon kay Aquino.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

Matapos ang ilang minutong habulan at barilan, nakorner din ang mga suspek sa Punta Verde Subdivision sa Angeles-Magalang, na roon sila bumulagta matapos ratratin ng pulisya.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin mabatid ng pulisya ang pagkakakilanlan ng pitong suspek na umano’y sangkot din sa robbery at kidnapping activities. (Mar T. Supnad)