Upang patunayang hindi siya kapit-tuko sa puwesto, nagbitiw na sa kanyang puwesto si Customs Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa upang bigyan ng kalayaan ang bagong administrasyon na pumili ng papalit sa kanya.
Nagpadala ng magkahiwalay na resignation letter si Dellosa sa Malacañang at sa tanggapan ni President-elect Rodrigo Duterte sa Davao City.
Sinabi ng dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff na nagbitiw siya sa tungkulin upang mawala ang opinyon ng iba na nais niyang manatili sa kawanihan bilang hepe ng intelligence office.
“We would still work until June 30. If there are illegal shipments to seize, we would do our job,” ani Dellosa.
Sinabi niya na maraming iba pang opisyal sa Bureau of Customs (BoC) ang nananatili sa kani-kanilang puwesto, ngunit hindi siya katulad nila.
Kapag bumaba na sa puwesto, sinabi ni Dellosa na magpapakaabala na lang siya sa mga “apostolic” na bagay, gaya ng pag-aalaga sa kanyang mga apo.
Napaulat na nagkaroon kamakailan si Dellosa ng “informal meeting” kay retired Marines Lieutenant General Juancho Sabban, na sinasabing posibleng humalili sa kanya.
“I did give him tips such as who to watch out for in the bureau, who are the smugglers, and what are their modus operandi,” kuwento ni Dellosa.
Sinabi pa ni Dellosa na mas challenging ang pagtatrabaho sa BoC kaysa militar. (Raymund F. Antonio)