Pagsisisi at hinanakit ang nararamdaman ngayon ng isang biyuda sa muli niyang pag-aasawa matapos niyang ireklamo sa pulisya nitong Sabado ng hapon ang kanyang selosong live-in partner na madalas siyang gawing punching bag sa Caloocan City.

Sa hindi na mabilang na pagkakataon ng pananakit, ipinakulong na ng hindi pinangalanang ginang ang kinakasamang si Allan Miral, 44, ng No. 400 Barangay 118, Bagong Barrio.

Kuwento ng biktima kay SPO1 Gigi De Jesus, hepe ng Women’s and Children’s Protection Desk (WCPD), dakong 3:00 ng hapon nitong Sabado nang muli na naman siyang saktan ni Miral.

“Kinaladkad po ako sa loob ng banyo at pilit na pinaliligo, tapos pinagbibintangan niya ako na may lalaki,” kuwento ng biyuda.

Eleksyon

Wendell Ramos, pinuri matapos iurong ang kandidatura bilang konsehal

Aniya, sinikmuraan at sinuntok siya sa kanang mata ni Miral bago ito umalis ng bahay.

Hindi na nakatiis ang biyuda at nagtungo siya sa presinto para ipaaresto si Miral, na noon ay nakatambay sa labas ng bahay kausap ang kanyang mga kaibigan.

“Hindi ako napagbuhatan ng kamay ng una kong mister,” himutok pa ng biktima. “Tama ang kasabihan na walang ikalawang glorya sa pag-aasawa.” (Orly L. Barcala)