Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez sa kinakaharap na kasong graft kaugnay ng umano’y maanomalyang pagbili ng cycling equipment na ginamit ng mga atletang Pinoy sa 24th Southeast Asian (SEA) Games noong 2007.
Gayunman, napatunayan ng 1st Division ng anti-graft court na nagkasala sina PSC Bids and Awards Committee (BAC) members Cesar Pradas, planning officer at chairman ng BAC; administrative officer Simeon Rivera; planning officer Marilou Cantancio; at engineer Eduardo Clariza; Robert Magaway, at anak na si Lawrence, ng Elixir Sports Company, dahil sa paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Hinatulan din sila ng hukuman na makulong ng 10 na taon bukod pa sa diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno dahil sa kanila umanong sabwatan upang maigawad sa Elixir Sports Company ang contract supply na aabot ng P2.329 milyon.
Ipinaliwanag ng korte na nabigo ang prosekusyon na mapatunayang sangkot si Ramirez sa maanomalyang kontrata.
(Rommel P. Tabbad)