Magbibitiw sa puwesto bukas si Commission on Elections (Comelec) Commissioner Christian Robert Lim bilang hepe ng Campaign Finance Office (CFO) ng poll body.

Sa isang text message, sinabi ni Lim na isusumite niya bukas sa en banc ang kanyang resignation.

Nang tanungin ang dahilan ng kanyang pagbibitiw bilang hepe ng CFO, sinabi ni Lim na “’Di acceptable ang policy shift”, at tumanggi siyang magpaliwanag pa.

Ito ang inihayag ni Lim nitong Biyernes isang araw makaraang magpasya ang en banc na pagbigyan ang hiling ng Liberal Party ng administrasyon, at ni Mar Roxas na palawigin ang paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato.

Eleksyon

Erwin Tulfo, binisita si ex-VP Leni: 'Set aside political colors'

Pinalugitan hanggang Hunyo 8 ang paghahain ng SOCE, ngunit nitong Huwebes ay pinalawig ito ng en banc hanggang sa Hunyo 30 bilang respeto sa “sovereign will of the people.”

Kabilang sa mga bumoto pabor sa pagpapalawig sa SOCE filing sina Commissioners Arthur Lim, Al Parreno, Sheriff Abas, at Rowena Guanzon.

Kumontra naman sina Commissioners Luie Guia at Lim, gayundin si Comelec Chairman Andres Bautista.

Ito ay sa kabila ng rekomendasyon ni Lim na tanggihan ng Comelec ang hiling ng LP at ni Roxas.

Sinabi ni Lim na hindi magiging patas para sa iba pang kandidato at partidong nakatupad sa nasabing palugit ang pagpapalawig sa SOCE filing. (Leslie Ann G. Aquino)