Humarap na rin sa pulisya kahapon ang isa pang hinalay ng driver ng colorum van na si Wilfredo Lorenzo, na una nang naaresto dahil sa panggagahasa ng dalawa nitong pasahero sa Quezon City kamakailan.

Nakakulong ngayon si Lorenzo sa detention cell ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) sa Camp Karingal.

Ayon kay Supt. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD-CIDU, ang lumantad na biktima ay 27-anyos na babae na taga-Barangay Pag-asa, Quezon City.

Sa sinumpaang salaysay ng biktima sa QCPD Women’s and Children’s Desk, 14 na taong gulang pa lamang siya noong 2003 nang halayin ni Lorenzo sa bahay nito sa Metro Manila East sa Rodriguez, Rizal.

Eleksyon

Rita Avila, nagpaalala: 'Huwag na po tayong masilaw sa ayuda'

Makaraan siyang kaibiganin ni Lorenzo ay isinakay umano siya nito sa minamanehong sasakyan bago dinala sa bahay nito at sapilitang inilugso ang kanyang musmos na pagkababae.

Dahil dito, patung–patong na kasong kriminal ang kinahaharap ngayon ni Lorenzo na agad namang sinampahan ng panibagong rape case sa Quezon City Prosecutors Office sa paglantad ng isa pa niyang biktima. (Jun Fabon)