Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Sandiganbayan si Mayor Diosdado Pallasigue ng Isulan, Sultan Kudarat dahil sa umano’y ilegal na pagsibak sa serbisyo sa isang kawani ng munisipyo.
Ito ay matapos na sampahan ng Office of the Ombudsman si Pallasigue ng isang kaso ng paglabag sa Section 3 at isa pang paglabag sa Section 3(f) ng RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Ombudsman na inabuso ni Pallasigue ang kanyang kapangyarihan nang buwagin ng alkalde ang Municipal Economic Enterprise Development Office sa munisipyo at inilipat ang coordinator nito na si Elias Segura Jr. sa Municipal Integrated Public Terminal.
Inireklamo ni Segura na 1.5 kilometro ang layo ng bago niyang tanggapan mula sa munisipyo at wala itong silya, mesa, office supply, kagamitan at tauhan.
Inipit din umano ni Pallasigue ang representation at transportation allowance ni Segura noong Marso 28, bago siya tuluyang sinibak bilang empleyado ng munisipyo.
Iniapela ni Segura ang kanyang reassignment order sa Civil Service Commission (CSC), na pinaboran ng komisyon. Bukod dito, ipinag-utos din ng CSC noong Marso 2014 kay Pallasigue na ibalik sa munisipyo si Segura ngunit binalewala ito ng alkalde.
Samantala, pinayagan ng Sandiganbayan si Pallasigue na makapaghain ng P30,000 piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. (Jeffrey G. Damicog)