Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang kasong administratibo na isinampa laban sa 19 na senior official ng Philippine National Police (PNP) na iniugnay sa umano’y maanomalyang pagbili ng P4.54-milyon halaga ng rubber boat na gagamitin sa search and rescue tuwing may kalamidad.
Ipinag-utos din ng CA ang pagbabalik sa serbisyo sa 19 na senior police official at muling pagbibigay ng kanilang suweldo at benepisyo makaraang suspendihin noong Hunyo 2, 2015.
Kabilang sa mga ito sina Chief Superintendents Reynaldo Rafal, Rizaldo Tungala Jr., Juanito Estrebor, George Piano, at Renelfa Saculles; Senior Superintendents Alex Sarmiento, Aleto Jeremy Mirasol, Asher Dolina, Ferdinand Yuzon, Cornelio Salinas, Thomas Abellar, Nepomuceno Magno Corpus Jr., at Rico Payonga; Superintendents Michael Amor Filart, Job Marasigan, Henry Duque, Antonio Retrato, at Leodegario Visaya; at PO3 Avensuel Dy.
Absuwelto rin sa administrative case si Jaime Sanares, tauhan ng Commission on Audit (CoA) na nakatalaga sa PNP.
Una nang idineklara ng Ombudsman ang 19 na opisyal na guilty sa kasong grave misconduct o gross neglect of duty kaya ipinag-utos nito ang pagsibak sa kanila sa serbisyo.
Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, iginiit ng CA na bigo ang Ombudsman na magharap ng sapat na ebidensiya na magpapatunay na sinadya ng mga akusado na manipulahin ang pagbili sa mga rubber boat para sa kanilang personal na interes. (Rey G. Panaligan)