Binatikos ng obispo ang madugong demolisyon sa Culiat, Quezon City na nagresulta sa pagkasugat ng limang katao.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, bago isinagawa ang demolisyon ay dapat munang nagtalaga ang
gobyerno ng malilipatan ng mga squatter sa Pag-Asa Compound.
Dapat din aniyang binigyan ng livelihood assistance ang tinatayang aabot sa 80 pamilya na apektado sa demolisyon.
Kahapon ay nasa ikatlong araw na ang demolisyon ngunit tumatanggi pa rin ang mga residente na lisanin ang kanilang tahanan.
Binabarikadahan ng mga residente ang lugar at lumalaban sa demolition team, gamit ang mga bote, bato at dumi ng tao.
Nabatid na ito na ang ikaapat na pagtatangka na i-demolish ang mga tahanan sa naturang ari-arian na may sukat na 2,000-metro kuwadrado at pagmamay-ari ng pamilya Picache, alinsunod sa kautusan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98.
Nagkaroon din ng karahasan sa mga naunang pagtatangka na buwagin ang mga bahay na nagresulta sa pagkasugat ng mga residente at miyembro ng demolition team. (Mary Ann Santiago)