IPINAMAHAGI ng Department of Energy (DoE) at Petron Corporation ang Fuel Economy Rating certificate sa 22 car brand na nakibahagi sa DoE Euro 4 Fuel Economy Run, na ang pangunahing layunin ay ipaalam sa publiko ang mahahalagang impormasyon sa fuel economy at performance ng iba’t ibang sasakyan na gumagamit ng malinis at makakalikasang petrolyo.

Ipinamahagi ang mga sertipikasyon sa seremonya sa Makati Diamond Residences kamakailan.

Umabot sa 70 modelo ng sasakyan na may iba’t ibang uri at laki ng makina ang sumabak sa ika-12 Fuel Economy Run na pinangunahan ng Energy Department nitong Mayo 27.

Tinahak ng mga sasakyan ang 280-kilometrong ruta mula sa Petron Clark station sa Angeles City, Pampanga at dumaan sa SCTEx (Subic-Clark-Tarlac-Expressway), TPLEx (Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway), at pabalik sa Clark, sa pamamagitan ng “kontroladong takbo” at normal na istilo ng pagmamaneho.

National

First Family nagbakasyon sa Suba Beach, Ilocos Norte sa Huwebes Santo

Pawang kinargahan ng Petron XCS (95 RON), 27 sa 38 sasakyang tumatakbo sa gasolina, na bumubuo sa 71 porsiyento ng mga entry, ay nakapagtala ng fuel economy rating na higit sa 20 kilometro kada litro.

Nilampaso ng Suzuki Celerio ang mga katunggali nito sa gasoline-fed vehicles matapos kumonsumo ng 29.14 na kilometro kada litro habang namayagpag ang Isuzu D-Max pick up na nagtala ng 38.46 na kilometro kada litro sa Petron Turbo Diesel category.

Isinagawa ang fuel economy rating event upang maisulong ang Energy Standards and Labeling Program ng DoE.

Ang DoE Euro 4 Fuel Economy Run ay bahagi rin ng adbokasiya ng Energy Department na isulong ang tamang paggamit ng energy resources, kabilang ang matipid na konsumo ng petrolyo sa mga sasakyan.

Kabilang sa mga kumpanya ng sasakyan na nakakuha ng Fuel Economy Ratings ang Asianbrands Motors Corporation (Mahindra), Automobile Central Enterprise Inc. (Volkswagen), Bayan Automotive Industries Corporation (BAIC), Berjaya Auto Philippines (Mazda), British United Automobiles Inc., Columbian Autocar Corporation (Kia), Eurobrands Distributor Inc. (Peugeot), Ford Group Philippines, Foton Motor Philippines Inc., Honda Cars Philippines Inc.

May Fuel Economy Ratings din ang Hyundai Asia Resources Inc., Isuzu Philippines Corporation, Mitsubishi Motors Philippines Corporation, Motor Image Pilipinas, Inc. (Subaru), Nissan Philippines Inc., PGA Cars Inc.

(Audi/Porsche), Pilipinas Taj Autogroup Inc. (Tata Motors), Suzuki Philippines Inc., The Covenant Car Company Inc.

(Chevrolet), Toyota Motor Philippines Corporation, at Volvo Philippines.

Pakay ng economy run na magsilbing gabay sa mga consumer sa pagpili ng sasakyan kasabay ng pagbibigay ng importansiya sa fuel economy rating bukod sa performance, kalidad, at safety features ng produkto. (ARIS R. ILAGAN)