Isang pinaghihinalaang miyembro ng robbery gang ang natagpuang patay sa isang bakanteng lote sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa Las Piñas City Police, nadiskubre ng mga residente ang bangkay sa isang bakanteng lote sa Aguilar Avenue, Barangay CAA, Las Piñas City dakong 1:15 ng madaling araw.

Sinabi ni Senior Insp. Romeo Britanico na may nakapaskil sa katawan ng biktima “’Wag n’yo akong tularan. Magnanakaw ako.”

Nakabalot ng duct tape ang mukha ng biktima na siya ring ginamit sa pagtali ng mga kamay nito.

National

Bam Aquino, inspirasyon si Pope Francis sa ‘mapagkalingang pamumuno’

May tattoo din ang biktima sa kanang braso na letrang “B,” ayon sa pulisya.

Samantala, isang “Nerissa” ang dumating sa himpilan ng pulisya at kinilala ang bangkay na sa kanyang kapatid na si Jun Cruz.

Ayon kay Nerissa, dati nang nakulong ang kanyang kapatid dahil sa kasong robbery subalit hindi niya alam kung saang pasilidad ito ikinulong.

Nawawala rin aniya ang kanyang kapatid na si Jethro, na una ring naaresto dahil sa kasong pagnanakaw. (Jean Fernando)