Ipinag-utos ng Sandiganbayan Third Division ang 90 araw na suspensiyon kay Mayor Mariano Malones ng Maasin, Iloilo, na kinasuhan dahil sa umano’y maanomalyang pagbili ng isang garbage truck para sa lokal na pamahalaan noong 2001.
Sa 10-pahinang resolusyon, pinaboran ng anti-graft court ang mosyon ng prosekusyon na suspendihin ng 90 araw ang alkalde na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Falsification of Public Document.
"The Court hereby orders the suspension pendente lite of accused Mariano M. Malones as Municipal Mayor of the Municipality of Maasin, Province of Iloilo, and from any other public position he may now or hereafter hold for a period of 90 days from the implementation of this resolution," ayon sa Third Division.
Inatasan din ng Sandiganbayan ang Department of Interior and Local Government (DILG) na agad na ipatupad ang kautusan nito.
Ang resolusyon ay isinulat ni Associate Justice Sarah Jane Fernandez at kinatigan nina Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at Samuel Martires.
Base sa inihaing kaso, inakusahan si Malones ng pang-aabuso sa kanyang posisyon sa pakikipagkutsaba sa ilegal na pagbili ng isang Fuso Canter garbage compactor na nagkakahalaga ng P380,000 mula sa Tomitzu Corporation noong 2001.
Ayon sa Office of the Ombudsman, pinaboran ni Malone ang nasabing kumpanya dahil hindi idinaan ang transaksiyon sa public bidding tulad ng nakasaad sa batas.
Sa ilalim ng kasong Falsification of Public Documents, pineke rin umano ni Malone ang Deed of Donation at Deed of Acceptance upang palitawin na ang garbage truck ay isang donasyon sa munisipalidad. (Jeffrey G. Damicog)