Isinusulong ng mga kaalyado ni President-elect Rodrigo R. Duterte sa Kamara ang isang panukala na pagkalooban siya ng emergency power upang masugpo ang problema sa terorismo, ilegal na droga at matinding trapik sa bansa.
Ito ay matapos segundahan nina incoming Labor Secretary Silvestre Bello III at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang suhestiyon ni incoming Senator Panfilo Lacson na dapat bigyan ng Kongreso si Duterte ng emergency powers dahil sa matitinding problema na kinahaharap ng bansa.
“Terrorism, illegal drugs and extremely terrible traffic situation has clearly reached critical levels and certainly require emergency powers,” pahayag ni Bello.
“These are extraordinary problems needing extraordinary actions. We have to stop terrorism, illegal drugs and heavy traffic. Limited and specific emergency powers for President Duterte is necessary!” ayon naman kay Rodriguez, na sumuporta sa kandidatura ni Duterte noong May 9 elections.
Pabor din si outgoing House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa panukala ni Lacson subalit dapat linawin muna ang depenisyon ng “emergency powers” bago ito tuluyang ipagkaloob sa susunod na Pangulo.
“Emergency powers vs ASG, yes. But,we should spell out meaning of emergency power,” pahayag ni Belmonte sa text message.
Dating nagsilbi bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), iginiit ni Lacson na mapagkalooban si Duterte ng emergency powers upang tapatan ang paghahasik ng karahasan ng mga bandidong Abu Sayyaf, lalo na nang pugutan ng mga ito ang Canadian na si Robert Hall matapos gawing bihag ng halos siyam na buwan.
Ang ulo ni Hall, na isinilid sa sako, ay natagpuan sa tapat ng Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu, nitong Lunes.
(CHARISSA M. LUCI)