GENERALLY peaceful.

Back to normal.

All set for school opening.

Ito ang mga karaniwang kataga na sumasalubong sa atin tuwing magbubukas ng klase.

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

‘Tila baga kinakalma ang lahat sa tuwing school opening season bagamat hindi maikakaila na sandamakmak ang problema hindi lamang ng mga estudyante, magulang at guro, kundi ng buong sambayanan dahil magkakaugnay ang mga suliranin natin sa araw-araw.

Aabot sa 400,000 ang nag-drop out sa senior high school, kulang ang mga palikuran sa paaaralan, hindi sapat ang silid-aralan, at iba pa.

Ito ang mga problemang taun-taon ay ‘tila hindi na nagbabago, hindi naglalaho.

Kaawa-awa na ba talaga ang lagay ng ating bansa?

Tumingin ka sa paligid, makikita mo ang pagsisiksikan ng mga estudyante sa mga pampasaherong bus at jeepney upang makarating lang sa tamang oras sa kanilang paaralan.

“Patay kung patay!” Ito ang karaniwang sinasambit ng mga estudyante bago ipilit na isinisiksik ang kanilang sarili sa mala-lata ng sardinas na siksikan sa MRT o LRT trains.

At pagsara ng automatic door ng tren, nagmimistulang mga butiki na naiipit sa salamin dahil pirat ang mga ilong sa glass window.

Para bang wala nang susunod na tren…magpakailanman!

Nakagugulat, nakakikilabot.

At sa iyong pagbaba sa LRT o MRT, and’yan naman ang mga jeepney na punumpuno rin ng pasahero.

Nagsisiksikan na sa upuan, may naka-squat pa sa gitna. Bukod dito, mayroon pang nakasabit.

Ano ang pakiramdam mo kung ikaw ang magulang ng mga ito? Nakatutulog ka pa ba nang mahimbing?

Halos tatlong dekada na ang nakararaan, ito ang madalas banggitin ng yumaong broadcaster na si Ka Louie Beltran. Ang tawag n’ya sa mga ito ay “Paniqui Brigade.”

Ang huhusay maglambitin sa likuran ng jeepney at nakukuha pang mag-unat-unat tuwing titigil ang sasakyan.

Hindi rin natin matiyak kung kargado sila ng energy drink dahil kahit nangakasabit sa mahabang biyahe, na may bitbit pang backpack, ay ‘tila hindi pa rin sila natitinag. Umulan o umaraw, nakasabit sila.

Alam nating lahat na ipinagbabawal ito sa batas dahil mapanganib, subalit tuloy pa rin ang pagsabit ng mga pasahero sa jeepney.

Dinaraanan lang ang mga pulis at traffic enforcer pero walang sumisita.

Sa awtoridad, normal lang ang ganitong eksena.

Ang iisang lugar na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsabit sa jeepney ay sa mga expressway.

Ano ba ang dapat mas bigyan ng halaga? Ang katiyakang makakauwi o ang katiyakang makakauwi nang ligtas.

Wala na ba talagang magagawa ang gobyerno sa ganitong problema? (ARIS R. ILAGAN)