Mariing itinanggi ng tagapagsalita ng New Bilibid Prison (NBP) na may naganap na pagpupulong ang mga convicted drug lord sa loob ng bilangguan para planuhin ang pagpatay kina incoming President Rodrigo Duterte at susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Chief Superintendent Ronald Dela Rosa.
Sinabi ni Monsignor Bobby Olaguer, NBP spokesman, sa kanyang text message na wala silang nalalamang pagpupulong ng mga nakakulong na drug lord sa Bilibid na nagbabalak na likidahin sina Duterte at Dela Rosa bunsod ng pinaigting na kampanya ng dalawa laban sa droga.
Magugunitang ibinulgar ni Dela Rosa na P10 milyon ang unang alok sa bawat isa sa makaliligpit sa kanila ni Duterte at itinaas na ito ng mga drug lord sa Muntinlupa sa P50 milyon.
Sa huli aniyang pagpupulong ng mga convicted drug lord sa NBP, nalaman ng mga pusakal na wala umanong gustong kumagat na assassin sa alok ng mga drug lord na P10 milyon para patahimikin si Duterte.
Wala aniyang gustong tumanggap ng P10 milyon lamang kaya itinaas sa P50 milyon.
“Posibleng may kakilalang inmate na nagbibigay ng impormasyon pero walang katiyakan kung totoo ito,” sabi ni Olaguer.
Subalit aminado si Olaguer, na nagsisilbing chaplain din ng pasilidad, na mahirap maberipika ng intelligence unit ng PNP ang mga kahalintulad na pagpaplano sa loob ng Bilibid. (Ariel Fernandez)