Sa pagsisimula ng regular na klase sa bansa, pinaigting ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang kampanya nito laban sa “sextortion” sa pagpapakilos sa “Operation Strikeback 3.”
Dinisenyo ang Operation Strikeback 3 para arestuhin ang mga cybercriminal na nambibiktima ng kababaihan, kabataan at kalalakihan para sa sextortion.
Ang sextortion ay isang online modus operandi kung saan ang isang biktima, matapos kaibiganin at magkaroon ng online romantic relationship, ay bubuyuin upang magsagawa ng sexual acts sa harap ng webcam. Lingid sa kanyang kaalaman, irerekord ng suspek ang sexual acts at pagbabantaan siyang ia-upload ito kapag hindi siya magpapadala ng pera kapalit ng pagbura o pagbigay ng soft copy ng mga hubad niyang litrato o video.
“We are very much aware of the possibility that young students may end up victims of ‘sextortion’ in the country with the opening of regular classes this month since during the summer period, we made at least three sextortion-related arrests with students as victims,” sabi ni PNP-ACG director, Senior Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar.
Dalawang linggo na ang nakalipas, nang maaresto ng PNP-ACG agents si Lonny Lou Beltran alyas “Carlo Cruz”, estudyante ng Holy Trinity University sa Quezon City matapos magreklamo ang isang 21-anyos na babaeng na-blackmail sa Internet.
Lumutang sa imbestigasyon ng PNP-ACG na gumamit ang suspek ng iba’t ibang pangalan para buyuin ang biktima, kinilala lamang sa pangalan na “Monalisa”, sa pamamagitan ng Facebook upang maging modelo ng Avon na may starting salary na P27,000 kada buwan.
Nang pumayag ang complainant na magpadala ng mga litrato niya na nakasuot ng undershirt na walang bra, nakasuot ng underwear at bra, litrato ng kanyang kilikili at singit, at kalaunan ay mga hubad niyang larawan, nakatanggap na siya ng mga banta mula sa suspek na ida-download ang kanyang mga litrato sa Internet kapag hindi siya nagbayad ng P60,000.
Sinabihan pa ng suspek ang biktima na kung hindi nito kayang magbayad ng buong P60, maaari niyang bayaran ang balanse sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa tatlong kabigan ng suspek sa halagang P3,000 bawat isa, at mapupunta ang pera sa suspek. Nakuha sa naarestong suspek ang boodle money, mga computer at smart phone na ginamit niya para tawagan ang biktima.
Sa panahon ng Internet technology, muling pinaalalahanan ang mga magulang na magkaroon ng oras para kausapin ang kanilang mga anak, partikular na ang mga menor de edad, upang maiwasan silang maging biktima ng mga Internet predator.
“This is the reason we are encouraging parents and children to reports to the PNP ACG all Internet or computer crimes. We also assure them that all information they will provide us will be treated with utmost confidentiality,” sabi ni Eleazar. (PNA)