Isang 28-anyos na holdaper ang naaresto matapos maputukan ng baril na kanyang inagaw sa isang rumespondeng pulis makaraan siyang mambiktima sa isang pampasaherong jeep sa Sta. Mesa, Maynila, nitong Linggo.
Kinilala ni Supt. Santiago D. Pascual III, Police Station 8 commander, ang suspek na si Poppin Jay de Guzman, residente ng V. Francisco Street, Sta. Mesa, Maynila.
Ayon sa pulisya, lulan ang estudyanteng si Jude Rose Manuel, 19, sa isang pampasaherong jeep nang biglang dakmain ni De Guzman ang kanyang Samsung Galaxy J7 cell phone, na nagkakahalaga ng P15,000, bago ito tumakas.
Nang magsisisigaw ng tulong si Manuel, narinig ito ng nagpapatrulyang barangay tanod na si Pedro Perez Jr., na agad na humingi ng tulong sa kalapit na himpilan ng pulisya.
Matapos ang ilang minutong habulan, nakorner din si De Guzman ng mga pulis sa panulukan ng Valenzuela at Sta. Teresa Streets at kinumpiska ang patalim na nakasuksok sa beywang ng suspek.
Habang pinoposasan ni PO1 Mark Pineda, bigla umanong dinakma ni De Guzman ang Glock 17 service firearm nito at sa gitna ng pag-aagawan nila sa baril ay biglang naputukan si De Guzman sa kaliwang binti.
Agad na dinala ang suspek sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Samantala, bigo ang pulisya na mabawi ang cell phone ni Manuel sa suspek. (Analou de Vera)