Dalawang Taiwanese ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Anti-illegal Drugs Group (PNP-AIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng P195 milyon sa loob ng kanilang sasakyan sa Parañaque City kahapon.

Nasa kustodiya na ng PDEA headquarters sina Shin Ming Cheng, 33, at Jheng Ken Wang, 25, na pinaniniwalang konektado sa malaking sindikato ng ilegal na droga.

Ayon kay PDEA Director Gen. Arturo Cacdac, naharang ng mga awtoridad ang sinasakyang silver gray Toyota Innova na may plakang NCA 5195 ng dalawang suspek sa Sintusia Subdivision, Macapagal Boulevard, Barangay Don Galo, sa tapat ng ICON hotel sa Parañaque City.

Nakuha sa mga Taiwanese ang 39 na kilo ng shabu na nakalagay sa mga plastic bag at nakasilid sa dalawang maleta.

National

Alice Guo, 'walang karapatang' tumakbo sa 2025 elections – Remulla

Bago nito, nakatanggap ng timbre ang PDEA mula sa isang “asset” na humingi ng tulong sa kanya ang mga suspek, na naghahanap ng marerentahang sasakyan para sa pagdadala ng droga sa Cavite. Kaagad na nagkasa ng operasyon ang mga pulis laban sa mga suspek.

Naniniwala si Cacdac na nanggaling sa ibang bansa ang mga nasabat na shabu at binigyang diin ang matinding pangangailangan sa mga high tech na X-ray machine sa mga paliparan at pantalan upang masugpo ang drug smuggling sa bansa. (Bella Gamotea)