Magpapatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong Martes ng umaga.
Sa pahayag ng Chevron (Caltex), epektibo dakong 6:00 ng umaga ngayong Hunyo 14 ay magtataas ito ng 35 sentimos sa presyo ng kada litro ng diesel, at 20 sentimos sa kerosene kasabay ang 10 sentimos na tapyas sa presyo ng gasolina nito.
Hindi naman nagpahuli ang Pilipinas Shell at Seaoil, at nagdagdag ng 30 sentimos sa presyo ng diesel at 15 sentimos sa kerosene habang nagbawas ng 25 sentimos sa presyo ng gasolina.
Agad sumunod ang Phoenix Petroleum na nagpatupad ng kaparehong dagdag-bawas sa presyo ng diesel at gasolina.
Ang bagong price adjustment ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Hunyo 7 huling nagpatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo ang mga kumpanya ng langis, sa pangunguna ng Shell at Phoenix Petroleum Philippines, matapos magtaas ng 15 sentimos sa presyo ng diesel kasabay ang kaparehong tapyas-presyo sa gasolina, habang walang paggalaw sa presyo ng kerosene. (Bella Gamotea)