Ipatatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang jeepney driver na naging viral sa social media matapos makunan habang naglalaro ng video game sa kasagsagan ng kanyang pagmamaneho.

Tiniyak ng mga opisyal ng LTFRB na iimbestigahan nito ang hindi pa kilalang driver ng jeepney na may plakang CWH-376 na biyaheng Manila-Monumento na nakuhanan habang naglalaro ng “Clash of Clans” habang nagmamaneho.

Kitang-kita sa video na naging viral sa Facebook ang driver na hawak ang kanyang cell phone at abalang naglalaro ng mobile phone game at nakapatong lang ang braso sa manibela sa kanyang pagmamaneho.

Ilang beses umanong sinaway ng mga pasahero ang driver na itigil na ang paglalaro ng video game at tutukan ang pagmamaneho upang hindi sila maaksidente.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Pero sa halip na tumugon, ipinagpatuloy ng pasaway ng driver ang video game at sinabi sa mga pasahero: “Nasa level up na ako!”

Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton, malaki ang posibilidad na papanagutin nila ang jeepney driver sa “distracted driving” na ipinagbabawal sa batas.

“Hindi ko alam kung bakit ginawa ng driver ‘yun. Maliwanag na hindi safe driving yung ginawa niya—siya na mismo ang lumalapit sa aksidente o nagtatawag ng aksidente sa kanyang paglalaro ng game sa cell phone habang nagmamaneho,” ayon kay Inton. (Czarina Nicole O. Ong)