Hindi na mapupuwersa ang mga movie at television talent na magtrabaho ng mahabang oras kapag tuluyang naisabatas ang isang panukala na inihain sa Kamara sa pagbubukas ng 17th Congress.
Ito ay matapos ihayag ni Rep. Winston “Winnie” Castelo ng Ikalawang Distrito ng Quezon City na muli niyang ihahain ang kanyang panukalang “Entertainment and Information Personnel Act” na magbibigay proteksiyon sa karapatan ng mga nasa industriya ng pelikula laban sa pang-aabuso upang mapangalagaan ang kanilang kapakanan at kalusugan.
Sinabi ni Castelo na puntirya ng panukala ang limitahan ang oras ng trabaho ng mga talent ng cinema, radyo, telebisyon, teatro at iba pang media na saklaw ng talent o service contract.
“The backbreaking production hours and erratic work schedules in the entertainment industry take their toll on the health of this distinct set of workers,” ayon kay Castelo, na muling nahalal bilang kongresista.
“The recent passing of two widely-acclaimed film directors attest to this work blight and in order to meet deadlines and cut back on production costs, some crew members and talents even work for 24 hours on end,” dagdag niya.
Aniya, sino man ay maaaring maging biktima ng atake sa puso kung siya ay madalas na isinasalang sa mahabang oras ng trabaho.
“No statutory policy has been instituted to address this gray area in the work force. The Labor Code is silent as to the prescribed number of hours of work for this unique group,” aniya, tungkol sa mga “talent” sa industriya ng pelikula.
Hindi rin aniya sapat na mabigyan sila ng health at accident insurance coverage kung malalagay sa peligro ang kanilang kalusugan, lalo na kung ang kanilang oras ng trabaho ay lagpas sa 12 oras kada araw. -Ellson A. Quismorio