Patay ang isang 30-anyos na rigger matapos na bumagsak mula sa ika-31 palapag ng gusaling kanyang pinagtatrabahuhan nang bumigay ang isang boom crane sa Binondo, Manila, nitong Biyernes ng hapon.
Ang biktima ay kinilalang si Efren Apostol, residente ng 1028 Buenavidez St., Binondo, Manila.
Ayon sa imbestigador, dead on the spot si Apostol nang bumagsak sa bubungan ng katabing Ovek Building.
Sa imbestigasyon ni PO3 Alonzo Layugan, ng Manila Police District, naganap ang insidente dakong 5:20 ng hapon sa 888 Lucky Mansion Construction building, sa Alvarado St., Binondo, Manila.
Ayon kay Jefferson Borja, safety officer sa construction site, kasama niya ang biktima at iba pang rigger na nagkakalas ng boom crane sa roof deck ng gusali.
Nakatuntong sa platform ang biktima nang mawalan ito ng balanse hanggang sa tuluyang mahulog.
Nabatid na nauna ang ulo ng biktima at sa lakas ng pagbagsak ay nagkalasug-lasog ang katawan nito, sumambulat ang utak, at natanggal pa ang suot na hard helmet. (Mary Ann Santiago)