Hiniling ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa Sandiganbayan Fourth Division na ibasura ang mga kasong kriminal na inihain laban sa kanya kaugnay ng naudlot na $329-million NBN-ZTE deal.

Naghain ng motion to leave to file demurrer to evidence ang mga abogado ni Arroyo na sina Laurence Arroyo at Jesi Howard sa Fourth Division na humihiling na ibasura ang mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Isinumite ng kampo ni Arroyo ang mosyon matapos iprisinta ng prosekusyon ang mga documentary evidence sa korte noong Pebrero 1 bilang pagtatapos ng pagpiprisinta ng mga ebidensiya sa paglilitis sa kaso.

Sa halip na magharap ng ebidensiya, nagpasya ang kampo ni Arroyo na magsumite na lang ng demurrer to evidence na humihiling na ibasura ang mga kasong isinampa laban sa dating Pangulo dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Eleksyon

Wendell Ramos, pinuri matapos iurong ang kandidatura bilang konsehal

“She believes that, if given the opportunity, she can persuade the Honorable Court that the prosecution failed to meet the stringent standard of proof beyond reasonable doubt,” pahayag ng mga abogado ni GMA.

Iginiit naman ng kampo ni Arroyo na hindi ito bahagi ng “delaying tactic” dahil mas nais nilang matapos agad ang paglilitis upang makalaya na ang kanilang kliyente.

Mayo 11 ngayong taon nang inabsuwelto ng Fourth Division ang kapwa akusado ni GMA sa kaso na si dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos dahil din sa kakulangan ng ebidensiya. (Jeffrey G. Damicog)