Inaprubahan ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga application ng 304 na pribadong higher education institution (HEI) na magtaas ng kanilang matrikula at iba pang bayarin sa eskuwela para sa academic year 2016-2017.

Sa pahayag na inilabas noong Huwebes, sinabi ni CHED chairperson Patricia Licuanan na ang average nationwide increase para sa matrikula ay nasa 5.10 porsiyento o P43.39 per unit, habang ang pagtaas sa iba pang bayarin sa eskuwela ay nasa 5.41% o P115.58.

May 280, o 17% ng kabuuang 1,659 private HEI sa buong bansa ang magtataas ng matrikula. May 252, o 15% ng pribadong HEI ang magtataas ng iba pang bayarin sa eskuwela ngayong taon.

“Considering the total population of private HEIs, the average increase in tuition or other school fees is less than 1 percent. These increases vary depending on the HEI and the region,” sabi ni Licuanan.

61-anyos na OFW, natagpuang patay sa bahay ng employer

Ang rehiyon na may pinakamataas na bilang ng HEI ay nasa National Capital Region (NCR), Region IV-A, at Region III. Inaprubahan ng CHED ang average tuition increase na P68.44 per unit para sa NCR, P33.41 per unit para sa Region III, at P23.39 per unit para sa Region IV-A.

Para sa iba pang bayarin sa eskuwela, ang pagtaas ay P57.52 para sa NCR, P138.36 para sa Region IV-A, at P487.71 para sa Region III.

Sinabi ni Licuanan na tiniyak ng CHED na tumupad ang mga HEI sa mga pamantayan na nakasaad sa batas lalo na sa requirement ng konsultasyon, tamang alokasyon ng mga bayarin sa matrikula, at istriktong pagsunod sa mga proseso na humihiling na ang pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin sa eskuwela ay “transparent, reasonable and affordable.” (PNA)