Nagbabala si Senator Cynthia Villar ng malawakang pagbaha at pagkasira ng kalikasan at kabuhayan ng mga residente kapag itinuloy ng gobyerno ang pinaplano na bagong international airport.
Ayon kay Villar, aabot sa 300,000 mangingisda ang mawawalan ng hanapbuhay kapag nagkaroon ng panibagong reclamation sa Manila Bay, na pagtatayuan ng bagong paliparan.
“I appeal to President-elect Duterte to look beyond the claim of decongesting existing airports and realize that the planned reclamation will cause flooding as high as eight meters in Parañaque, Las Piñas and Cavite. It will also deprive 300,000 fishermen of their livelihood,” ani Villar.
Aniya, masisira din ang Las Piñas-Parañaque Critical Habitat and Eco-Tourism Area (LPPCHEA), isang protektadong lugar batay sa Presidential Proclamation No. 1412 at 1412-A, noong 2007.
Ito rin ang unang critical habitat na deklarado sa bansa at sumasaklaw sa may 175 ektarya ng wetland ecosystem at binubuo ng Freedom at Long Islands.
Kabilang din ito sa Wetland of International Importance ng Ramsar Convention dahil sa kritikal na katayuan nito na nagsisilbiing pamayanan ng iba’t ibang uri ng ibon.
Ang babala ni Villar ay ginawa matapos na hilingin ng San Miguel Corporation sa bagong administrasyon na ipagpatuloy ang pagkamkam ng lupa sa dagat para gawin itong paliparan, makaraang ibasura ng administrasyong Aquino ang panukala.
Sinabi pa ni Villar na magsasampa siya ng kaso gamit ang Writ of Kalikasan para mapigilan ang $13-billion International Airport project sa Manila Bay. (Leonel Abasola)