Kasalukuyang kritikal ang isang obrero matapos na patraydor na saksakin ng kanyang kaaway habang bumibili ng sigarilyo sa isang tindahan sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Wilson Dagooc, 40, residente ng Leongson Extension St., Barangay Tangos, ng nasabing lungsod, sanhi ng malalim na saksak sa likod.
Kaagad na tumakas ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “Noni,” residente ng Bgy. Daang Hari, matapos ang pananaksak.
Ayon sa report, dakong 8:30 ng gabi, bumibili ng sigarilyo si Dagooc nang biglang sumulpot ang suspek at tinarakan ang biktima bago kumaripas ng takbo.
Nabatid na nakasuntukan kamakailan ni Dagooc ang suspek matapos magalit ang una dahil sa pangingikil ng huli sa kanya. - Orly L. Barcala