DAVAO CITY – Pinagbawalan ng Presidential Security Group (PSG) ang mga pribadong television network sa pagsasahimpapawid sa “One Love, One Nation” thanksgiving party para kay President-elect Rodrigo R. Duterte kahapon, na pinaniniwalaang bahagi ng pagsisikap ng susunod na presidente na idistansiya ang sarili sa media.
Sa mensaheng kumalat sa text at Viber kahapon ng umaga, pinayuhan ng PSG ang mga media entity “to remove all media setups near the stage and prevent backpack video coverage inside the grass ground.”
Nakasaad pa sa mensahe: “RTVM (Radio-TV Malacañang) and PTV 4 only allowed.”
Sa isa pang advisory na ipinadala kahapon, ipinaalam sa mga mamamahayag na “walang ko-cover sa harap ng stage except for PTV 4 and RTVM for security reasons.”
Pinayuhan pa ng advisory ang mga TV network “[to] hook up with Manila PTV” para sa live feed ng “DU31 (Duterte Won)” party, na inaasahang dadaluhan ng mahigit 300,000 Davaeño at ng mga tagasuporta ni Duterte sa bansa, at maging abroad.
Sinabi ng mga cameraman, na nagse-set up sa venue kahapon ng madaling araw na inutusan sila ng mga tauhan ng PSG na umalis sa mga platform sa kaliwa at kanang bahagi ng entablado.
Bagamat pinayagan ang mga TV crew na manatili sa lugar, kinailangan nilang lumipat sa isang lugar na nasa 500 metro ang layo mula sa entablado.
Huwebes ng hapon nang makipagpulong ang mga organizer ng event sa mga TV network at iba pang media entity na magsasahimpapawid ng live coverage ng party. Kabilang sa mga napag-usapan ang pagpupuwesto ng mga camera sa harap ng entablado.
“But now, they suddenly ordered that we pull out from that agreed position,” sinabi kahapon ng isa sa mga cameraman ng isang coverage team na nakabase sa Metro Manila.
Ipinatupad ang nasabing pagbabawal sa live coverage ng mga pribadong media entity sa event isang araw makaraang ihayag ni Christopher “Bong” Go, special assistant ni Duterte, na hindi na magbibigay ng panayam at magdaraos ng mga press conference ang susunod na presidente ng bansa.
Sinabi ni Go na ang lahat ng pahayag ni Duterte ay idadaan na lamang sa himpilan ng telebisyon ng gobyerno na PTV4, partikular na sa Malacañang reporter na si Rocky Ignacio.
Nilinaw naman ni Go na wala pang desisyon kung mananatiling ganito ang set up hanggang sa pormal na maluklok sa puwesto si Duterte sa Hunyo 30.
“Tuwing magsasalita, baka hanapan ng mali,” paliwanag ni Go.
Huwebes ng gabi nang magsimula ang tensiyon sa pagitan ni Duterte at ng mga miyembro ng media matapos niyang galit na hamunin ang mga mamamahayag na ihinto na ang pagko-cover sa kanya at “leave Davao City”, kasunod ng panawagan ng isang international media organization na iboykot na lang ng Philippine media ang lahat ng press conference ng outgoing Davao City mayor dahil sa tinuligsa nitong pahayag laban sa media killings. (ROCKY NAZARENO)