Nasawi ang isang 17-anyos na lalaki makaraan siyang pagsasaksakin ng dati niyang kaaway habang namamagitan siya sa bangayan ng suspek at ng kaibigan nitong babae sa Port Area, Manila, kahapon ng madaling araw.

Tinangka pang isalba ng mga doktor sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Lary Arcenas, ng Barangay Habitat, Baseco Compound, Port Area, Manila ngunit binawian rin siya ng buhay dahil sa tinamong saksak sa dibdib.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na kinilala lang sa alyas na “Moro.”

Batay sa report ni Det. Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 1:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa playground ng Baseco Compound.

National

Atty. Kaufman, nagsalita sa umano'y 'request' hinggil sa ID requirements ng EJK victims

Bago ang krimen, kasama umano ng biktima ang isang “Jade Bolea” at isang “Jena” na naglalakad sa nasabing lugar habang hinahanap ang isa pa nilang kaibigang babae nang makasalubong nila ang grupo ng suspek.

Nagpasaring umano si Bolea sa suspek na ikinairita nito, kaya agad na namagitan ang biktima.

Hindi naman nagustuhan ng suspek ang ginawa ng biktima, na dati na umano nitong kaaway, kaya siya ang pinagbalingan nitong saksakin. (Mary Ann Santiago)