NEW YORK (Reuters) – Isang dating U.S. Army sergeant na binansagang "Rambo" na ayon sa mga prosecutor ay namamahala sa isang international band ng mga hit man at mercenary ang hinatulang makulong ng 20 taon nitong Martes sa pakikipagsabwatan para patayin ang isang federal drug agent at isang informant.
Sinabi ni U.S. District Judge Laura Taylor Swain sa Manhattan na si Joseph Hunter, 51, ay dapat na makulong ng mahabang panahon dahil sa "grave and serious" na mga krimeng nagawa nito at sa pagsumpa nitong guilty sa mga kaso kabilang na ang pakikipagsabwatan para patayin ang isang law enforcement officer.
"The crimes you committed are serious, and the sentence you received today reflects that," sabi ni Swain.
Humingi ng tawad sa korte si Hunter, dating Army sergeant na mayroong mahigit 20 taong military experience, sinabing kasama pa sana niya ang kanyang pamilya "if I only asked myself what God would have wanted me to do."
Nag-ugat ang kaso sa isang U.S. Drug Enforcement Administration (DEA) sting operation, kasunod ng pagkakaaresto sa Liberia noong 2012 ng boss ni Hunter na si Paul Le Roux, ang tubong Zimbabwe na pinuno ng isang multinational criminal organization.
Matapos nito ay pumayag si Le Roux na makipagtulungan sa mga awtoridad, umamin na sangkot siya sa pagpapadala ng mga droga at armas sa buong mundo at pag-utos na iba’t ibang pagpatay, ayon sa mga rekord ng korte.
Tumulong din si Le Roux sa mga awtoridad upang maisulong ang kaso laban sa iba pa, kabilang na si Hunter, na ayon sa prosecutors ay nagtrabaho at namahala ng contract killings at iba pang mga bayolenteng krimen para sa kanya.
Sa isang sting operation, tinipon ni Hunter, sa utos ni Le Roux, ang isang grupo ng mga dating sundalo para magbigay ng security sa DEA informants na nagkunwaring Colombian drug traffickers, ayon sa mga papeles sa korte.
Ginamit na base ng mercenary squad ni Hunter ang Thailand at nagsagawa ng ilang trabaho noong 2013, kabilang na ang diumano’y 300-kilogram cocaine transaction sa Bahamas, ayon sa prosecutors.
Para sa $800,000, pumayag din si Hunter at ang dalawang pang dating sundalo na sina Dennis Gogel ng Germany at dating U.S. Army Sergeant Timothy Vamvakias, na patayin ang isang DEA agent at isang agency source sa Liberia, ayon sa prosecutors.
Walang naganap na pagpatay, ngunit sinabi ng prosecutors na nag-organisa si Hunter ng pitong murder-for-hire, kabilang na ang kaso ng isang babae sa Pilipinas.
Inaresto si Hunter sa Thailand noong 2013, at naaresto rin ng mga awtoridad sina Gogel, Vamvakias at dalawa pang miyembro ng grupo ni Hunter, sina Slawomir Soborski ng Poland at Michael Filter ng Germany.
Kalaunan ay sumumpang guilty ang mga akusado. Sina Vamvakias at Gogel ay hinatulan ng 20 taon sa kulungan, habang si Filter ay tumanggap ng walong taong termino. Nakatakda ang sentensiya ni Soborski sa Hunyo 10.